Wednesday, January 22, 2014

WALANG MALINIS, WALANG MATUWID , LAHAT SILA MARUMI

Limang buwan ang nakalipas matapos ang pananahimik ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. laban sa akusasyon sa kanya sa Priority Development Asisstance Fund Scam o PDAF Scam ay ngayon lamang siya nagsalita at buong-buo niyang ipinahayag na wala siyang kinalaman sa mga akusasyon sa kanya.

                Sa kanyang pahayag ay diumano’y inanyayahan siya ni Pangulong Benigno S. Aquino III para kausapin tungkol sa kanyang pagboto sa pagpapasibak sa puwesto kay dating Chief Justice Renato Corona , si Secretary of Trade and Industry Mar Roxas II aniya ang sumundo sa kanya dala-dala ang isang kotse at inihatid kay Pangulong Aquino, nadawit din ang pangalan ni Budget Secretary Butch Abad na kasama rin na humingi ng pabor kay Senador Revilla. Isang araw matapos isiwalat ang pahayag na ito ay agad na sumagot ang Malacanang sinabing walang katotohan ang mga iyon , may mga bagay lamang daw na nilinaw ang Pangulo kay Senador Revilla patungkol sa pagpapatalsik kay Corona.

                Gayunpaman, wala akong pinaniniwalaan sa dalawang ito na nasa tuktok ng pamahalaan , maaaring bahagyang nakuha ni Senador Revilla ang aking atensyon sa kanyang pahayag pero siya ay aktor at kayang-kaya niyang lokohin ang mamamayan gamit ang kanyang talento. May mga ebidensiya siyang ipinakita pero para sa akin ay hindi iyon sapat na katunayan,  kung may katotohanan ang kanyang pahayag na inimpluwensiyahan ng Pangulo ang kanyang boto sa  pagpapasibak kay Corona sana noon pa man ay agad na siyang nagsalita kung talagang nais niyang maisiwalat ang katotohan. Bakit ngayon lang siya nagsalita tungkol doon ? Ibig sabihin kung hindi siya nadawit sa PDAF Scam ay ititikom niya lang ang kanyang bibig? Sa panig naman ng Pangulo , napakaraming isyu ang umalingasaw sa kanyang termino kaya habang tumatagal nawawala na rin ang tiwala ko sa kanya na siya ay nasa matuwid na daan kasama ang mamamayang Pilipino. Agad niyang pinabulaanan ang pahayag ni Senador Revilla , kung ating iisipin napakabilis naman ‘yatang depensahan ng Pangulo ang kanyang sarili at ang kanyang Administrasyon? Hindi ba ito ang konkretong katotohan na siya ay may kinalaman sa binanggit ni Senador Revilla ?


                Samakatuwid, naniniwala akong WALANG MALINIS AT WALANG MATUWID sa mga taong may posisyon sa gobyerno. Naniniwala akong nagsabwatan ang Pangulo at ang Senador kaya lang dumating ang pagkakataon na  kailangan nilang linisin ang kani-kanilang pangalan kaya ngayon sila ay naglalabas ng baho ng bawat isa. Akala mo kung magsalita sila, sila ang tama , sila ang ulirang pulitiko, pero ang katotohanan ni isa sa kanila ay wala , LAHAT SILA AY MARURUMING TAO NA PILIT LANG NILILINIS AT PINAKIKINANG ANG KANILANG PANGALAN SA MGA PILIPINO.

Source :

Image - https://www.facebook.com/photo.php?fbid=567367093353446&set=a.262604563829702.58025.257334291023396&type=1&theater

No comments:

Post a Comment